Ano na ang susunod pagkatapos mong ihagis ang iyong graduation cap sa ere?

12671945_675819622559364_874307892944686186_o (800x550)
Para sa mga bagong gradweyt, para sa mga unemployed, para sa mga tambay, para sa mga walang plano sa buhay, para sa mga asin ang ulam, para sa sakit ng ulo ng bayan… oo para sayo ito!
    “Sa isang basong tubig libu-libong tao ang lumalagok. Sa isang kwadradong lupa milyun-milyong tao ang umaapak. Sa kakarampot na tinapay bilyun-bilyong tao ang nag-aagawan”.
Heto na, nakapag hulma na naman ng lupon ng bagong mandirigma ang iba’t ibang institusyon. Pandagdag sa mga sundalong “standby” simula pa noong isang taon. Ngayong 2016, isang gubat na naman ang nanganib sa pagprodyus ng “diploma’t certipiko” ng mga bagong gradweyts.
         “Sa araw ng pagpapakyut sa kamera habang nasa stage. Hikbi ng mga magulang. Hilera ng mga propesor. Mga pulitikong guest speaker (kasi nalalapit na naman ang eleksyon). Isa-isang chine-check-up at binebendisyunan ang mga estudyanteng pinulupot ng berde, asul at itim na tela. Sabay ibabato sa ere ang mga graduation cap na di pwedeng mawala dahil 200.00 pesos na deposito kinaumagahan ay sayang.”
Ganito ang sitwasyon noong seremonya at araw ng graduation. Handaan, inuman, iyakan, tawanan, pektusan, piktyuran kung minsan pa nga ay rambolan dulot ng kasiyahan.
         “ Pagkababa sa stage bigla mo na lang maiisip…wooh dagdag na pala ako sa lumulubong unemployed ng bansa. Suliranin na ako ng bansa. And dat’s amazing!”
Kahalintulad ng Puberty Period ng mga kabataan, animo’y bigla na lang nagbago ang hubog ng kanilang mga utak. Ewan kung dulot iyon ng masikip na graduation cap. Ang pananaw at plano sa buhay ay bigla na lang umarangkada at nagbago. Apat na taon o higit pa, inilaan sa pag-aaral. Ngayon, next level na ng laro. Sa palaruan na di seesaw o slide ang matatagpuan kundi iba’t ibang karaker sa “dota” ang makakadaupang palad. May mga dragon, butete, flying lizards, pink na baboy, zombies at kung minsan pa maniac na katunggali ang makakasagupa.
           “ Mahabaging kagubatan, bigyan mo po kami ng isang libong puno ng narra at walumpong libong kamagong para sa pag imprinta ng aming resume at application form”.
Tunay ngang apektado ang kapaligiran sa bawat galaw at pagbabago ng sangkatauhan. Lalo na pagkatapos ng graduation day.
          “Limpak limpak na papeles sa PESO for employment referral. Isang tren ng pila ng mga aplikante sa public offices. Nabuhay na naman na siyudad ng mga busy people.”
Pano nga ba ang criteria asa pagsala ng resume? Ilan sa mga tips kung online daw ang pasubmit ay ang paglalagay ng “keywords” na konektado sa posisyong iyong inaaplayan. Halimbawa sa mga manunulat, mas mainam kung may mga salitang “write, publish, blog, journal, research …etc , ang nakalimbag sa resume.
Malaking bahagdan rin ang ibinibigay sa kung saang institusyon nagtapos ang aplikante. Kung minsan bias nga eh, sa bunton ng mga papeles mas tinutuunang pansin ang mga aplikanteng nakapagtapos sa kilalang unibersidad at rumampa sa mga golden gates. Batayan rin ang kurso sa pagpili, kung may board exam ba ito o wala. Minsan panukat rin sa abilidad ng aplikante ang kanilang grado at awards na natamo noong kolehiyo. Kaya kung papetiks-petiks  ka lang noong nag- aaral ka pa , kahit papano bawas pogi points yun para sa mga employer.
              “Tumalon ka na, may sasalo sayo!”
Di mawawala sa sirkyulasyon ng mga manggagawa ang tinatawag na “BACKER o WHITE HORSE”. Kung sino mang Poncio Pilato ang makakapitan; ninong, uncle, tito sa tuhod, lolo sa ikapitong angkan, ama sa ikatlong kabihasnan at pinsan sa parallel dimension ay malaking kontribuyon sa pagkatanggap sa trabaho. Kaawa-awang isipin ang mga “alien” na walang kamag-anak sa daigdig.
Dagdag pasanin pa sa mga newly-graduates ngayon ang reyalidad na pagdating sa porsyon ng “RELEVANT EXPERIENCE” eh walang salitang maihinuha sa kanilang bolpen o keyboard. Nasa mundo ng kompetensya, mas lamang ang aplikanteng back to back ang experience kesa sa mga bubot na nene’t nonoy na katunggali. Paano nga ba naman makakakuha ng relevant experience kung hindi binibigyan ng opurtunidad na makapagtrabaho?
Aminado ang pamahalaan na di proporsyonal ang bilang ng available na trabaho sa bilang ng mga walang trabaho. Job mismatch rin ang naitalang problema dahil sa pag-usbong ng maraming job applicant. Kaya’t animoy nagpalitan ng diploma at Bachelor’s degree ang mga guro at business ad graduates, polsci at agriculturist, journalist at tourism graduates, pati musikero at ekonomista.
            “Bunto’t mo hila mo.”
Ang pagpili ng trabaho ay karapatang pantao…nakapaloob yun sa Bill of Rights. May karapatan kang mamili, pero wala kang karapatang maging choosy! Kahit anong trabaho ang ma-ilagak sayo basta ang importante sa susunod na mga buwan masabi mo ang mga katagang;
  “Hindi na ako palamunin ng nanay at tatay ko at aktibo akong makikilahok sa          pagpapaunlad sa industriya ng bansa ko”.
Kaya congratulations sa mga bagong graduates dyan! See you at good luck sa competition! Smile ka lang at tiwala sa sarili ang kailangan. Okay?! God bless!
https://gemmavillamayor.wordpress.com/

Leave a Reply

%d bloggers like this: